11:37 pm. Hindi tumitigil ang ulan. Kapapanood ko lang ng pirated cd ng x-men 3. Katatapos ko lang din kumain ng adobong baboy na natira pa nung isang araw.
Nakabukas ang TV at palabas ang english TV series tungkol sa propessional spies. Tanging ang series lang na ito ang napapanood ko ng paulit-ulit sa kahit anong oras.Halos kabisado ko na eksena na ang salita ay isinalin sa koreano (para maintindihan ng mga korean audience sa kabila ng di nila pagsasalin ng conversation ng mga tauhan. siguro ay di na nakayanan ng mga koreano ang mabilisang ingles). Paulit ulit ang mga napapanood ko dahil deactivated na ang satellite cable service ng dating may-ari ng TV ko. Na-adik na siya sa chat sa internet kaya't ibinigay sa akin ang TV kapalit ng anim na bote ng sojo ( ito ang korean version ng gin). Dalawang bote palang ang naibibigay ko.
Nakatingin din ako ngayon sa una at huling record ng pag akyat namin sa Mt. Maculot sa Batangas kasama ang dalawang kaklase nung hayskul at kasintahan ng isa pa na di ko yata natanong kung ano pangalan. Siguro dahil sa kawalan ng magandang pakiramdam at kapaguran, ito lamang ang naisulat ko:
Mt. Maculot, Batangas
2:42 PM
ETD
- PAGOD!
Pundi ang flourescent lamp at study lamp lang tanglaw ko sa kwarto.Nasa field trip din yata ang mga tropa ng lamok na gabi-gabing nagpapasasa sa malabnaw na dugo ko. Wala kayang koneksyon ang pink na study lamp dun?Ngayon ko lang napansin na pink din pala ang kumot na pang winter ko pati ang isa pang kumot na ginagamit kong kobre kama.Gusto ko pa sanang magsulat ng makabuluhan at masasayang bagay subalit parang sumabay sa mga nagbakasyong lamok ang pagkakaisa ng isip ko. Tuloy, ito lang ang natira at lahat naisinga ko.
No comments:
Post a Comment